January 22, 2010

Enero 19, 2010. Ikalawang gabi ng Parangal

Marahil kabilang sila sa mga nangarap maging isang ganap na artista. Marahil kabilang sila sa mga kabataang ang munting henyo ay unang naging kalasag upang saliksikin ang katotohanan ng buhay. Pareho silang pumasok sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas at doon sinubok ang kanilang murang ideyalismo.

Si Isadora Domingo at Ian Dorado ay halos magkasabay na pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Isadora na kilala bilang si Tanya'y inilarawan ang sarili sa mga kasama at mga kaibigan bilang dating "anti-aktibista", sa pag-aakalang maiingay na uri ng mga estudyante lamang ng UP ang mga ito. Ano naman ang mapapala nila sa pagsigaw-sigaw at pagtuligsa sa nakikita nilang anomalya, 'di-normal o kabulukan ng kalakaran kapwa sa UP at lipunan.

Pumasok sila sa unibersidad sa taon ng malakas na kilusang estudyante laban sa pagtaas ng matrikula sa UP. Habang nakasuspindi ang Philippine Collegian at nagpapatakbo ng "renegade issue" onlayn. Habang ang mga estudyante ay pinagbabawalang maglagalag sa mga gusali ng kolehiyo ng walang nakasabit na ID, habang ang pagpaskil ng mga progresibong mensahe ng walang pagsang-ayon ng admin ay ipinagbawal na din.

Panahon din ito ng unti-unti at epektibong pagbuwal sa "nakagawiang" liberal na mga espasyo sa unibersidad, habang itinatayo ang dambuhalang simbolismo ng komersyo at pagpapalipin ng isip sa ngalan ng "pangangalap ng dagdag na pantustos sa gastusin ng unibersidad". Ang Techno Hub, S&T Park noon at Toyota venture ngayon. Matatayog itong mga gusaling niyuyukuran ng UP sa ngayon na masigabong pinasinayaan sa taong sentenaryo nito.

Para sa dating Tanya, ang mga larawan sa kanyang ipinipintang dibuho ay bunsod ng suhetibong pag-alam, ekspresyunismo, ideyalismo. Para sa dating Tanya, para makalaot sa sining, nangangailangan lamang ng sagwang guni-guni.

Si Ian naman ay mahusay na batang pintor at kabilang sa UP Artists' Circle Fraternity, at isinalarawan ang kanyang pagtuligsa sa ideyolohiya at reyalidad na pinagsasamatahan pa rin ang higit na nakararami sa ating lipunan. Binigyang boses niya ang kalagayang alipusta ng magsasaka at masa sa "Pusta", ang kanyang obra na kabilang sa sosyal-reyalismong eksibit ng Kalipunan IV upang ipakita marahil ang pagkutya sa papel ng UP bilang bahagi ng "ideological state apparatus", ang paratang sa akademyang "kasabwat" sa pagpapanatili ng kalagayan ng aping sambayanan, kasabay ng pagtindi ng monopolyadong dahas ng estado.

Nawawala pa rin si Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, dalawang estudyante ng UP na dinukot ng mga militar sa Bulacan kasama ang magsasakang si Manuel Merino, tinalian, piniringan, itinago at pinahirapan sa iba't ibang kampo-militar sa kumpas ng berdugong si Jovito Palparan. Pinapaslang ang mga nakikibaka, ang mga naghahangad ng pagalpas sa kahirapan, sa aliping sahuran o sa mga propesyonal na unti-unti nasa bingit na rin ng pagdarahop. Masahol ng ilang ulit ang isang mabangis na rehimeng Arroyo na nagkukunwaring demokratiko kaysa sa isang lantad na diktaturya.

Ngunit tulad ni Tanya, paglaon ng sila'y lubos na mamulat at makipamuhay at makaranas ng hirap na kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang sinabing kanilang paglilingkuran, nagbago ang lahat. Ang dating mga larawan, mga kanta at tulang kanilang nilikha ay sinaliwan ng determinadong aksyon para sa mga api sa ating lipunan.

Nagpasya silang buong panahong pagsilbihan ang uring magsasaka, magorganisa sa hanay nila at isulong ang rebolusyong agraryo. Sa pagitan ng pamamaalam sa komportableng buhay sa siyudad at sakripisyo malayo sa pamilya, nagpapadala sila ng mga sulat, kanta at drawing salamin ang duhaging kalagayan ng mga magsasaka sa kanayunan. Pag-agaw sa kanilang lupa at ng unti-unti nilang pagbasag sa dantaong pagkaalipin mula sa mga panginoong may-lupa, at ng kanilang isinasaboy na binhing magtatakda sa lupang kasama nilang lalaya.

Namatay si Tanya at Ian sa hanay ng uring magsasaka sa Doña Remedios Trinidad Bulacan. Namatay sila sa kanilang piling at ipinaglaban ang kanilang lupa, ang kanilang kabuhayan at pagkatao. Pinaslang sila sa isang engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng 56th IB at 7th ID ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ika-14 na araw ng Enero. Kasama nilang namatay ang lima pang mga martir ng sambayanan.

Pinili nila ang sakripisyo at pagsisilbi imbes na tumahak ng karaniwang buhay ng kabataang nahahatak ng peti-burges na pamumuhay. Tinalikuran nila ang pangarap na makasarili at niyakap ang mapang-alpas na sining ng aping sambayanan---ang digmang bayan.

Ang palahaw ni Aling Luz ngayong ikalawang gabi ng burol, ang kanyang pagtangis marahil sa tuwing sumasayad sa kanyang ulirat na patay na ang anak ay gumising sa apoy sa bawat dibdib ng mga kabataang aktibistang nag-aalay ng parangal, nalulumbay din sa nawalang mga kaibigan at kasama. Ang nakakararami ay hindi direktang nakasama ng dalawa sa mga gawain o nakasalamuha man lang. Ngunit malalim ang pagdadalamhati kung pakikibaka ang naguugnay sa mga naruroon. Tulad ng sabi ng isa sa kanila, ang tanging pinakamataas na pagpupugay na maigagawad sa dalawang batang martir ay itaguyod ang kanilang ipinaglalaban, ang tanganan ang armas na makakapagpalaya sa kaisipan at mga pinagsasamantahan sa ating kinagisnang mundo at lipunan. Ang pighati ay gawing lakas at tapang! Lakas at tapang!

At ngayon sa unang buwan ng dekadang ito, ipinangangako naming sa inyong inialay na buhay higit na isusulong ang sandatahang pikikipaglaban, sa hudyat ng bandilang higit na pinapupula ng inyong dugo at sa hanggang huli'y 'di binitiwang pangako.

Mabuhay kayo Tanya at Ian, magigiting na artistang kabataan, mandirigma ng bayan! Mabuhay ang mga martir ng sambayanan at pambansa-demokratikong rebolusyon!