January 22, 2010

Enero 19, 2010. Ikalawang gabi ng Parangal

Marahil kabilang sila sa mga nangarap maging isang ganap na artista. Marahil kabilang sila sa mga kabataang ang munting henyo ay unang naging kalasag upang saliksikin ang katotohanan ng buhay. Pareho silang pumasok sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas at doon sinubok ang kanilang murang ideyalismo.

Si Isadora Domingo at Ian Dorado ay halos magkasabay na pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Isadora na kilala bilang si Tanya'y inilarawan ang sarili sa mga kasama at mga kaibigan bilang dating "anti-aktibista", sa pag-aakalang maiingay na uri ng mga estudyante lamang ng UP ang mga ito. Ano naman ang mapapala nila sa pagsigaw-sigaw at pagtuligsa sa nakikita nilang anomalya, 'di-normal o kabulukan ng kalakaran kapwa sa UP at lipunan.

Pumasok sila sa unibersidad sa taon ng malakas na kilusang estudyante laban sa pagtaas ng matrikula sa UP. Habang nakasuspindi ang Philippine Collegian at nagpapatakbo ng "renegade issue" onlayn. Habang ang mga estudyante ay pinagbabawalang maglagalag sa mga gusali ng kolehiyo ng walang nakasabit na ID, habang ang pagpaskil ng mga progresibong mensahe ng walang pagsang-ayon ng admin ay ipinagbawal na din.

Panahon din ito ng unti-unti at epektibong pagbuwal sa "nakagawiang" liberal na mga espasyo sa unibersidad, habang itinatayo ang dambuhalang simbolismo ng komersyo at pagpapalipin ng isip sa ngalan ng "pangangalap ng dagdag na pantustos sa gastusin ng unibersidad". Ang Techno Hub, S&T Park noon at Toyota venture ngayon. Matatayog itong mga gusaling niyuyukuran ng UP sa ngayon na masigabong pinasinayaan sa taong sentenaryo nito.

Para sa dating Tanya, ang mga larawan sa kanyang ipinipintang dibuho ay bunsod ng suhetibong pag-alam, ekspresyunismo, ideyalismo. Para sa dating Tanya, para makalaot sa sining, nangangailangan lamang ng sagwang guni-guni.

Si Ian naman ay mahusay na batang pintor at kabilang sa UP Artists' Circle Fraternity, at isinalarawan ang kanyang pagtuligsa sa ideyolohiya at reyalidad na pinagsasamatahan pa rin ang higit na nakararami sa ating lipunan. Binigyang boses niya ang kalagayang alipusta ng magsasaka at masa sa "Pusta", ang kanyang obra na kabilang sa sosyal-reyalismong eksibit ng Kalipunan IV upang ipakita marahil ang pagkutya sa papel ng UP bilang bahagi ng "ideological state apparatus", ang paratang sa akademyang "kasabwat" sa pagpapanatili ng kalagayan ng aping sambayanan, kasabay ng pagtindi ng monopolyadong dahas ng estado.

Nawawala pa rin si Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, dalawang estudyante ng UP na dinukot ng mga militar sa Bulacan kasama ang magsasakang si Manuel Merino, tinalian, piniringan, itinago at pinahirapan sa iba't ibang kampo-militar sa kumpas ng berdugong si Jovito Palparan. Pinapaslang ang mga nakikibaka, ang mga naghahangad ng pagalpas sa kahirapan, sa aliping sahuran o sa mga propesyonal na unti-unti nasa bingit na rin ng pagdarahop. Masahol ng ilang ulit ang isang mabangis na rehimeng Arroyo na nagkukunwaring demokratiko kaysa sa isang lantad na diktaturya.

Ngunit tulad ni Tanya, paglaon ng sila'y lubos na mamulat at makipamuhay at makaranas ng hirap na kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang sinabing kanilang paglilingkuran, nagbago ang lahat. Ang dating mga larawan, mga kanta at tulang kanilang nilikha ay sinaliwan ng determinadong aksyon para sa mga api sa ating lipunan.

Nagpasya silang buong panahong pagsilbihan ang uring magsasaka, magorganisa sa hanay nila at isulong ang rebolusyong agraryo. Sa pagitan ng pamamaalam sa komportableng buhay sa siyudad at sakripisyo malayo sa pamilya, nagpapadala sila ng mga sulat, kanta at drawing salamin ang duhaging kalagayan ng mga magsasaka sa kanayunan. Pag-agaw sa kanilang lupa at ng unti-unti nilang pagbasag sa dantaong pagkaalipin mula sa mga panginoong may-lupa, at ng kanilang isinasaboy na binhing magtatakda sa lupang kasama nilang lalaya.

Namatay si Tanya at Ian sa hanay ng uring magsasaka sa Doña Remedios Trinidad Bulacan. Namatay sila sa kanilang piling at ipinaglaban ang kanilang lupa, ang kanilang kabuhayan at pagkatao. Pinaslang sila sa isang engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng 56th IB at 7th ID ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ika-14 na araw ng Enero. Kasama nilang namatay ang lima pang mga martir ng sambayanan.

Pinili nila ang sakripisyo at pagsisilbi imbes na tumahak ng karaniwang buhay ng kabataang nahahatak ng peti-burges na pamumuhay. Tinalikuran nila ang pangarap na makasarili at niyakap ang mapang-alpas na sining ng aping sambayanan---ang digmang bayan.

Ang palahaw ni Aling Luz ngayong ikalawang gabi ng burol, ang kanyang pagtangis marahil sa tuwing sumasayad sa kanyang ulirat na patay na ang anak ay gumising sa apoy sa bawat dibdib ng mga kabataang aktibistang nag-aalay ng parangal, nalulumbay din sa nawalang mga kaibigan at kasama. Ang nakakararami ay hindi direktang nakasama ng dalawa sa mga gawain o nakasalamuha man lang. Ngunit malalim ang pagdadalamhati kung pakikibaka ang naguugnay sa mga naruroon. Tulad ng sabi ng isa sa kanila, ang tanging pinakamataas na pagpupugay na maigagawad sa dalawang batang martir ay itaguyod ang kanilang ipinaglalaban, ang tanganan ang armas na makakapagpalaya sa kaisipan at mga pinagsasamantahan sa ating kinagisnang mundo at lipunan. Ang pighati ay gawing lakas at tapang! Lakas at tapang!

At ngayon sa unang buwan ng dekadang ito, ipinangangako naming sa inyong inialay na buhay higit na isusulong ang sandatahang pikikipaglaban, sa hudyat ng bandilang higit na pinapupula ng inyong dugo at sa hanggang huli'y 'di binitiwang pangako.

Mabuhay kayo Tanya at Ian, magigiting na artistang kabataan, mandirigma ng bayan! Mabuhay ang mga martir ng sambayanan at pambansa-demokratikong rebolusyon!

January 20, 2010

Mula sa kublihang kanto at estero, ilang hakbang pasulong



i.

Walang Ped Xing
ang nakapaskil sa laylayan ng poste,
o ang katumbas na pribilehiyo na magtipon
at magpahayag ang iginawad sa lulang ito,
ilang talampakan lagpas sa tulay Mendiola.

ito ay ayon sa mga nasa kapangyangrihan
o sa mga mas nakaka-Pangyayari sa ngayon.
palibhasa’t may mga nahabing banal na Batas:
usal-dasal sa mga mahiwagang letra’t numero
BP 880
EO 464
PP 1017
CPR.

Bantay-sarado ang bawat gilid ng tarangkahan,
kinakapkapan ang lahat,
may sukbit na armalayt ang tagabukas ng gate
sa tuwing may daraang sasakyan,
triple alisto sa mga bomba at terorista at raliyista.
Bawal ang kumuha ng litrato at bidyo sa harap nito.
May Parke ng Kalayaan daw sa dako pa duon.

Habang sa dungaw ng tarangkahan,
at magkasalaming eskuwelahan ng La Co at Beda,
parang langaw, palayong binubugaw
si Aling Mely at kanyang sunong na bilao
ng mga nilalako’t bibingka.

Nakabalandra ang mga dilaw na bakal
sa tapat ng tarangkahan,
sangkatutak at pinuluputan ng razor wire
(sadyang pinalitan nito ang mga barb wire
na pinauso ng mga pasistang German noong Giera Mundial Dos,
panikil na adornong tulad ng sa Herzogenbusch concentration camp)
sapagkat hindi sapat na gurlis lamang ang maiwan
kundi kirot sa nauka-ukang laman,
at sakmal ng takot
para sa sinumang magtangkang sumunggab ng pagkakataon,
humakbang lagpas sa mga dilaw na hadlang,
sindihan ng dilang apoy
at

maglagablab


ii.


Halos tinabunan ang mga eksenang maningning
ng lamay at libing ni Cory,
ang pakikipag-ututang dila at utuan kay Obama,
ang domingo de Gloria ang pumakyaw ng limelight,

ng pabondat na hapunan sa Le Cirque Restaurant sa Manhattan
at Bobby Van's Steakhouse sa Washington D.C.

habang naghihimutok ang taumbayan,
sa kanyang araw-araw na pagkagutom,
at sa kanyang bawat lagok
ng mapait na dighay ng gutom.

Nang umuwi sa ating bayan ang mga gahaman,
hindi natutulog
ng pagbibilang at pagkalulong sa nakulimbat,
hindi pinapatulog
ng namumuong silab na sa baya’y
konting ningas
ay magpapaliyab.

iii.


Sa bisperas ng pagtutuos
inilabas ang pantalong maong,
ang matibay na sapatos pangharabas
at para sa mga walang sapatos
mahigpit na sandalyas at tsinelas;
pinalagatok na ang mga buto sa kamay at braso
upang matiyak na ilang ulit man na bigwas
ang matanggap ‘di naman ito magkakalas,
marami na ang nagprisenta na hahanay sa Kompo;
nag-apuhap ng plastik para sa telepono at notbuk,
itinabi ang LRP at mababasang libro;
pinatalas ang tunog ng parating paos na soundsys a.k.a. Josh,
magdamag kinargahan ito ng baterya
at inabisuhan ang media ng Embargo ang aksyon kinabukasan.

Nakaplasta ang plano:
Agosto 19, El-Ar, Gate 7 ng Malacanang.
Hindi ito sunggab ng pagkakataon,
kundi kalkuladong paabanteng hakbang
patungo sa tarangkahan
ng luklukan ng pasistang naghahari-harian.

Winawagayway na ang bandilang senyales,
Lakad-takbo-lakad ng mabilis,
Nagtaka ang kanilang mga nakasalubong,
Sa biglang tipon ang mga kabataang animo’y
anino mula sa kublihang estero, poste, puno, tao .

Kumumpas ang komand Ilang hakbang Pasulong!
Sa bawat “Panagutin ang Mandarambong!”
ay napraning ang mga pulis at sundalo,
nabuksan ang gate, at ang galit ay nagpabigat sa mga hakbang,
nagpalakas ng nanggagalaiting sigaw,

Hakbang-pasulong!
Propaganda kontra pamamasista,
Braso kontra yantok,
Salag kontra latay,
Kapit-bisig kontra hambalos,
Depensiba kontra opensiba,
Ngunit ito’y pakikipagtitigan, Mata sa mata
At unti-unting pag-iipon ng lakas,
Lakas na isinasanib sa bayan
para sa huling araw ng tiyak
na paglalaban.


Mara Ilaya